MISTULANG HILONG-TALILONG, tila baga sirang plakang paikot-ikot sa pagtugtog ng sintunadong tunog, ‘yan wari si Public Works Secretary Vince Dizon.
Sa tuwi-tuwina ng paglagapak ng mga flood
control na palpak, sumisirit sa pag-aalburuto ito na ngang si Init-Ulo.
Pero kwidaw ka bayan: pagmasdan hindi lamang
ang kanyang mga kilos at galaw; bawa’t katagang namumutawi sa kanyang bibig ay
pakinggan.
“Under warranty pa ito. 2024 project ito, wala
pang five years. Kailangan gawin ito, ayusin ito, pero kailangang ayusin ito
nang tama, katulad ng ginawa natin sa Mindoro. Nakapagtataka talaga kung bakit
isang taon pa lang, bumigay na ito.”
Kanyang nasambit, matapos bumulwak ang galit sa bumigay na bahagi ng San Mateo Flood Control Project sa bayan ng Arayat, lalawigan ng Pampanga nito lamang a-nuebe ng Oktubre.
Kanya na ngang napagdiskitihan mga sheet piles o nakabaong dikit-dikit na poste ng bakal: “Papabunot na ito, papa-check natin kung tama ang sukat ng sheet piles nito. 36 meters dapat ito. Tingnan natin kung totoo nga ito. Kung mapakita na ganoon din, ganoon din ang kasong iyon [sa Mindoro], siguradong kulong lahat ng involved dito.”
Tunay na kung papansinin, dili kaya’y
raramdamin, masasabi talaga natin: si Vivencio ay tigasin.
Datapwa’t, subali’t, bakit? Lagi na lang
naririnig salitang magkakatono, magkakahawig, sa tuwing si Vince ay
nangangalaiti sa galit.
Katulad na lamang noong
Setyembre 2025, sa Barangay Candating, sa Arayat din.
Sa mismong binansagang “face
of failed flood control projects” ni Senador Ping Lacson, bumulwak sa bunganga
ni Vince: “Dapat naman bunutin ang sheet piles, gusto nating malaman kung
talagang 36 meters. That’s practically 10-storey building. Dalawa lang ang
problema…either may problema sa paggawa mo or yung design mali. Ganun
lang ‘yun. So aalamin natin yan. Kailangan ito ipa-assess yung design nito kung
tama ba o hindi.”
May pagdududa pang ipinamukha kay Edgardo Sagum ng Eddmari Construction, kontratista ng palpak na proyekto: “Ikaw ba talaga ang gumagawa dito? Hindi mo ito sinubcon? Tsini-check ko yan engineer. Ikaw ba talaga ang gumagawa? Iba ang naririnig namin. Basta on record sinabi mo sa akin ikaw ang gumagawa. Malalaman at malalaman ko rin kung sino talaga ang gumagawa dito, kung pinahiram mo lang ang lisensya mo.”
Hindi lang sa tigas, sa
tapang at tikas, kay Vivencio’y walang puedeng pumalag.
Apat na buwan ang lumipas,
proyekto sa Candating ay muling pumalpak. Enero 2026, ayun, at sugod-marino sa
lugar si Vivencio.
“Unang-una, mukhang hindi talaga tama ang disenyo nung flood control sa Candating, Arayat. Kung maaalala ninyo pinilit natin yung kontratista na ayusin dahil nagigiba yung mga pundasyon. Eh, ngayon, hanggang ngayon hindi nila maayos-ayos,” kanyang panimula.
“So, kailangan na tayong
magdesisyon dito na talagang panagutin yung mga dapat managot diyan.
Kasama na yung mga tao ng DPWH, kasama yung kontratista, and meron naring
nagre-report sa atin na may links sa mga kongresista,” kanyang pagtatapos.
At doon na nga natapos, ang
usapin sa Candating. Walang sheet pile na nabunot. Walang kontratistang nanagot.
Walang kongresistang naituro man lamang. Lalong walang nakulong na sinuman.
Sa ganitong kaganapan,
ano’ng pagkakaiba pa’ng maaasahan mula kay Vivencio sa pagpapaayos sa nasirang
flood control sa San Mateo, pati na doon sa Barangay Laquios sa bayang Arayat
pa rin na ang flood control ay bumigay din?
Sa asta ay angas, sa salita
ay matigas, sa gawa ay … ngawa. Optics, 'ika nga.





No comments:
Post a Comment