Sunday, August 16, 2026

Ano'ng fake news, Mayor Malu?

 

KAHAPON, AGOSTO 16, naglabas ng pahayag si Magalang, Pampanga Mayor Malu Paras-Lacson ukol sa aniya’y fake news ng One Balita Central Luzon (OBCL), isang online news platform, hinggil sa kaugnayan niya at ng kaniyang pamilya sa Kingsmen Manpower and General Services, Inc. (KMGSI).

“Upang maiayos ang katotohanan at matuldukan ang panlilinlang sa publiko,” dalawang punto ang inihayag ng alkalde na aniya’y “mga opisyal na katotohanan.”

Una. “Walang Aktibong Operations at Walang Kontrata: Walang umiiral na kontrata ang Kingsmen sa Chuangxing Steel, at kasalukuyang wala nang anumang operasyon (no active operations) ang naturang kumpanya.”

Pangalawa. “Naisagawa na ang Divestment: Ang ating Punong Bayan, Mayor Malu Lacson, kasama ang kanyang asawa, at MENRO [municipal environment and natural resources officer] ay matagal nang nag-divest o ganap nang naglabas ng kanilang interes at shareholdings sa Kingsmen. Bagama't hindi pa ganap na naka-reflect sa pinakabagong General Information Sheet (GIS) ng SEC ang pagbabagong ito, malinaw na wala na silang anumang pagmamay-ari o kinalaman sa pananalapi ng kumpanya.”

Mukhang sa unang punto pa lamang ay lihis na ang pagpapaliwanag ng alkalde. Walang nabanggit ang OBCL na anumang kontrata sa pagitan ng KMGSI at Chuangxing Steel.

Ang ugnayan sa pagitan ng dalawa ay lumabas sa hearing ng Senate Committee on Environment, Natural Resources, and Climate Change noong Agosto 14 kung saan ito ay ipinunto mismo ni committee chairman Sen. Raffy Tulfo.

(Matutunghayan ang bahagi ng talakayan dito sa Raffy Tulfo in Action)

Ani ng senador: “Si mayor [Paras-Lacson] ay mayroong manning agency, Karamihan sa mga worker ng Chuangxing Steel Inc. ay galing sa kanyang agency, referred ng kanyang agency. Kasi, para sa akin, mukhang may conflict of interest. Siyempre, kapag yung mga empleyado nanggagaling sa kanya, there’s the possibility that she might turn a blind eye sa lahat ng mga makikita niyang kalokohan doon dahil pinagkakakitaan niya.”

Nauna rito, tinanong ng senador si Department of Labor and Employment Region 3 director Geraldine Panlilio kung sino ang may-ari ng KMGSI, kung si mayor [Paras-Lacson], at ito ay sinagot ng “Yes.”


                     Siya na nga po.

Inilahad pa ni Panlilio na “Kingsman is an unregistered subcontractor. Hindi po siya registered sa DOLE.”

Kung gayon, Paras-Lacson is barking up the wrong tree with her fake news wailing   against OBCL. Dapat ang tinahulan niya ay si Senador Tulfo at Director Panlilio. Lalo na ang huli sa kanyang isiniwalat – hindi rehistrado sa DOLE ang KMGSI, e di ito ang palsipikado. Hindi fake news ang balita dito.  

Sa pangalawang punto ng alkalde: ang pag-amin ng divestment niya at ng kaniyang mga kapamilya at kasangga sa kumpanya ay nagpatibay lamang sa pagpapatotoo sa inilahad ng OBCL na batay sa 2026 General Information Sheet (GIS) ng Securities and Exchange Commission, na sila ang nagmamay-ari at may pamamahala sa KMGSI, to wit:

Maria Lourdes P. Lacson, president, 30% ownership;

Odilon L. Lacson (kabiyak ng alkalde), corporate secretary, 30% ownership; at

Norman L. Lacson (bayaw at kasalukuyang municipal administrator), treasurer, 30%.

Ang dalawa pang nakarehistro bilang stockholders ay sina:

Pablo Elmer Mercado (kasalukuyang municipal environment and natural resources officer), 5% ownership; at

Jose Tiburcio S. Canlas (hindi tiyak kung kapangalan lamang o siya mismo ang city public accountant ng Lungsod ng San Fernando), 5% ownership.

Sipi ng inilabas na GIS ng KMGSI sa OBCL. Binura ang mga tala ng tirahan alinsunod sa mga pamantayan sa data privacy  

Nilinaw pa ng OBCL na ang rehistro sa SEC ay hiwalay sa rehistro sa DOLE ng manpower agency.  

Malinaw sa GIS na sina Paras-Lacson et al. ay nagmay-ari at namahala sa kumpanya. Hindi nabubura ang pag-mamay-ari nilang yaon sa loob ng takdang panahon bago ang sinabi ng alkalde na pag-divest o pagbitaw nila sa kumpanya.

Gayunpaman, higit sanang titibay ang paglilinaw ng kagalang-galang na alkalde kung nakalakip dito ang dokumentong nagpapatunay na nag-divest na nga sila, kung gaano katagal na ang sinasabi niyang "matagal" sa paglalagay ng petsa dito, at sino na ang mga bagong may ari ng divested shares.

Sa halip na paglilinaw at pagtuldok sa sinasabi ni Paras-Lacson na “panlilinlang sa publiko,” mga red flags ang nagsulputan na sumisigaw ng imbestigasyon para umiral ang katotohanan, sa ngalan ng transparency at accountability.

Una, ang conflict of interest na ibinandila ni Senador Tulfo na maaring ihagkis kay Paras-Lacson, sa kanyang kapamilya, at sa kawani ng munisipyo na direktang may sakop sa mga alituntunin sa operasyon ng Chuangxing Steel Inc.

Pangalawa, ang paglabag sa mga batas sa paggawa bunga ng hindi pagka-rehistro sa DOLE ng KMGSI.

Pangatlo, ang mga hinaing ng mga manggagawa sa Chuangxing Steel Inc., partikular ang safety and occupational hazards sa kumpanya na nagbunga ng mga sakuna.

At iba pa.

Ukol sa kanyang babala, karapatan ni Paras-Lacson na magsampa ng asuntong cyberlibel “laban sa mga may-akda, tagapamahala ng pahina, at sa lahat ng mga indibidwal na napatunayang nagpapakalat at nag-share ng malisyosong fake news [ng OBCL].”

Dahil sa tinalakay din natin ito, isinasama ko na rin tayo sa mga “nagpakalat” nito.

Kung ang layon ng kagalang-galang na alkalde ay maghasik ng pangamba o pananakot sa media – yaong sa English ay tinatawag na chilling effect – upang iwasan ang pagbusisi sa anumang isyu sa kanyang pamamahala na minamarapat niyang nakaka-mantsa sa iwing kadalisayan ng kanyang pagiging punongbayan   -- ay, “You should have another think coming, Madame Mayor.”

At sa kanyang paghimok sa publiko na “maging mapagmatyag at huwag magpadala sa mga gawa-gawa na balitang may layuning pampolitika lamang,” sino po ba ang pulitiko? Yaong mga tinutukoy sa kawikaang “Politics is the last recourse of scoundrels.”  

 

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment