ISANG MADUGONG pakikibaka tungo sa pagbagsak ng naghaharing uri.
Ito ang klasikong
bigay-kahulugan sa katagang rebolusyon o himagsikan. Kahulugan na umusbong mula
sa pagkalas sa Inang Inglatera ng 13 nagkaisang kolonya ng Amerika noong 1776,
at sa pag-aklas sa Pransiya laban kay Louis XVI noong 1789.
Naging modelo rin ng
klasikong kahulugan ang himagsikang Sobyet ni Lenin noong 1917, ang digmaang
sibil sa Tsina noong dekada ’40 na pinagwagian ni Mao, at ang tagumpay ni
Castro at Guevara sa Cuba noong 1959.
Hindi natatapos ang
himagsikan sa pagbagsak ng naghaharing uri. Sa kaisipang
Marxista-Leninista-Maoista, nakaukit ang pangangailangan ng isang patuloy na
himagsikan, kaipala’y upang harangin ang likas na pagnanasa ng mga ibinagsak na
makabalik muli sa poder at sa rurok ng pamamahala sa estado. Sa wikang Ingles:
the need for a continuing revolution to block counter-revolution by the
reactionary forces, both foreign and home-grown.
Ang reaksyonaryong puwersa
ang pinakamasidhing kalaban ng himagsikan. Ito ang sagabal na bibigo, sisilat o
kikitil sa kaganapan ng tagumpay ng himagsikan: ang pagtaas ng antas ng
pamumuhay ng masa. Na matutupad lamang kung ang liderato ng pamahalaan ay manggagaling
mismo sa kanilang hanay.
Suriin natin ang ilang
aspeto ng kasaysayan.
Hindi natapos ang
himagsikan sa Amerika nang isuko kay Washington ni Cornwallis ang lahat ng
puwersang Ingles sa Yorktown, Virginia noong 1781 gayong ganap nang naglaho ang
tangan ni George III sa 13 nagkaisang estado.
Bagama’t itinadhana ng
Declaration of Independence ng mga estadong ito na ang lahat ng tao ay nilalang
ng Diyos na pantay-pantay, hindi kasali dito ang may 650,000 aliping Itim,
250,000 aliping bayad-utang, at 300,000 katutubong Amerikano o Indian na noo’y
naninirahan sa mga kolonya. Pati na ang mga kababaihan ay hindi sakop ng
pahayag ng kasarinlan.
Kinailangan pa ang
Emancipation Proclamation ni Lincoln at ang digmaang sibil noong 1861-1864 o
kulang-kulang 100 taon mula Himagsikang 1776 upang mapalaya ang mga Itim sa
pagka-alipin.
Kinailangan pa ang martsa
ni Martin Luther King at ang kanyang talumpating I Have a Dream sa Washington,
D.C. noong 1963 o 100 taon na naman mula kay Lincoln upang maging ganap ang
pagsasa-batas ng kalayaan ng mga Itim at maging kapantay ng mga Puti sa mga
karapatan.
Ang kada-100 taon na mga
kaganapan na yaon ang maituturing na milestones in the continuing revolution sa
Amerika. (Na masasabing nagkaroon ng sukdulang kaganapan sa pagkahalal kay
Obama bilang unang Itim na pangulo ng Estados Unidos noong 2008).
Iba naman ang kinahinatnan
ng himagsikan sa Pransiya. Pinugutan ng ulo si Louis XVI at kanyang reynang
Marie Antoinette. Ang mga naghahari at nagpaparing uri – monarkiya at simbahan
– ay binawian ng poder, ari-arian, pati na rin buhay.
Sa pagkawala ng
aristokratang hanay, uring burgis ang namayani, naghari at nang-api sa masang
Pranses. Ginipit ang mga unyong manggagawa, sinupil ang karapatan ng mga
maliliit at tuwirang nilapastangan ang adhikain ng himagsikan – liberte,
egalite, fraternite.
Naghari ang lagim,
namayani ang sindak sa reign of terror – na kumitil sa buhay ng daan-daang
mamamayan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Sumiklab ang pag-aalsa at
malawakang kaguluhan na nagbigay daan sa isang golpe militar na nagbunga sa
pagbulusok ni Napoleon Bonaparte na siyang nakapagpatahimik sa bansa at
nagpanumbalik sa monarkiya sa pamamagitan ng kanyang pagkorona sa kanyang
sarili bilang emperador.
Si Lincoln at Napoleon,
pati na rin sina Lenin, Mao at Castro – magkakaiba ng pananaw, paninindigan,
pamamaraan, at landasin subalit lahat sila’y tinaguriang mga bayani ng
kasaysayan dahil sa kanilang kahalagahan sa critical moment sa buhay ng
kanilang bansa. Ito ay ayon sa Kanluraning kaisipan na pinasikat ni Arnold
Toynbee sa kanyang A Study of History.
Tunghayan naman natin ang
sarili nating kasaysayan.
Sa isang talata ng kanyang
epikong Bayang Malaya ay ipinaloob ni Ka Amado Hernandez ang kasaysayan ng
Pilipinas:
“Nagsuot ng kalmeng bigay
ng Espanya,
kalmen nang lumaon ay
naging kadena.
At itong Amerika na bagong
katoto ang dala’y de-lata,
laya ang kinuha ininom ang
bayang parang Coca-Cola.”
Isang naunsyaming
rebolusyon ang Himagsikang 1896 dahil inagaw ng mga Amerikano ang tagumpay mula
sa ating mga Pilipino.
Sa EDSA noong 1986 ay
ipinangalandakan na nagkaroon na ng kaganapan ang 1896. Maliban sa pagkarambol
lamang ng mga numero ng mga taon, ito ay isang paglapastangan sa kasaysayan.
Ang pagkakaroon ng EDSA
Dos ang malinaw na patunay na wala ngang himagsikang nangyari noong 1986. At
wala ring himagsikang naganap sa EDSA nitong 2001 sa pagkatalsik ni Estrada.
Hindi dahil sa walang dumanak na dugo. Kundi dahil walang naganap na pagbabago.
Lalo’t higit walang pagbuti sa antas ng buhay ng mga mamamayan.
Ang naganap ay isang
rigodon lamang kung saan mukha lamang ang nagkaroon ng palitan sa liderato ng
bayan. Mula sa isang naghaharing uri, isinalin ang poder sa kanilang kauri.
Naisulat ko nga sa likod ng kaha ng sigarilyo matapos ang rurok ng kaluwalhatiang
hatid ng EDSA noong 1986:
Wala.
Walang himagsikan sa EDSA.
Kumaripas ng takbo ang
lahi ni Hudas,
Pumalit nama’y lipi ni
Barabas.
Ano ang nabago?
Mukha.
Hindi prinsipiyo.
Adhika ng liderato:
palawigin ang status quo –
Piyudal na agraryo,
burukrata kapitalismo,
Bansa’y sakmal pa rin ng
puting tsonggo.
Aklas ng bayan,
pinagsamantalahan
Trahedya ni Bonifacio
muling nagka-kaganapan,
Imbing ilustrado ang
nakinabang.
Wala.
Walang himagsikan sa EDSA.
Burgis, uring naghahari pa
rin;
Ang masa, sa araw at gabi,
inaalipustang alipin.
Ano ang nagbago?
1986. Pinatalsik ng bayan
sa panguluhan si Ferdinand Edralin Marcos. 2022. Pinili ng bayan sa
pagkapangulo si Ferdinand Romuladez Marcos Jr.
Tatlungpu’t siyam na taon
– o isang henerasyon lamang – ang lumipas burado na lahat – hindi na nga
ginawang piyesta opisyal – ang araw ng EDSA.
Wala, wala sa EDSA ang
himagsikang Pilipino.
Pagtibayin ang puso, tungo
sa panibago at pina-igting na pakikibaka.
(BALIK-TANAW sa
pinaglumaang yugto ng kasaysayan, hawi sa lukut-lukot na pahina ng dyaryong
dating pinagsulatan, petsang Pebrero 19, 2001 at muli’t muling nililimbag ng
may mga napapanahong karagdagan. Sinipi - 25 Pebrero 2025)

No comments:
Post a Comment