BAWAL ANG tricycle sa
highway.
Multa: P500
No Helmet, No Travel
1st Offense:
P300
2nd Offense:
P500
3rd Offense:
P1,000
Babalang nakapaskel sa
kahabaan ng MacArthur Highway na naglalayong ipatupad ang mga batas trapiko at
bigyan disiplina ang mga pasaway na nagmomotorsiklo at nagtatraysikel.
Babalang walang kakuwenta-kuwenta,
walang kangipin-ngipin sa kawalan ng pagsunod dito ng mga binabalaan; sa
kahinaan, kundi man katangahan, dili kaya’y kawalan ng sigasig ng mga
nagpapatupad dito.
Nitong nakaraang Huwebes,
sa pagbaybay ko ng MacArthur Highway mula tanggapan ng Punto! sa hangganan ng
lungsod ng Angeles at San Fernando hanggang sa papasok ng St. Jude Village –
6:02—6:30 ng gabi – kabuuang 47 nagmomotor ang nakitaan ko ng paglabag sa
kautusang No Helmet, No Travel. Ang higit na nakararami ay yaong mga mag-isang
sakay na tanging buhok ang proteksyon sa ulo. Mayroon ding angkasan na bagama’t
may helmet ang nagmamaneho ay wala naman ang nakaangkas.
Mayroon pa ngang tatlo
ang sakay ng single na motor at lahat ay walang helmet.
Isipin na lamang: Kung sa
loob lamang ng 28 minuto ay may 47 nang paglabag, ilan kaya ang sa loob ng
isang araw, o sa kalahating araw man lamang.
Sa 47 na lamang na aking
namasdan, magkano na ang multang malilikom ng pamahalaang lokal? Suma total P14,100
sa mga first offenders pa lamang. Sa minimum wage na P330, kabuuang 42 kataong
arawan na ang maaaring pasahurin nito.
Nitong Martes lamang, mula
naman sa St. Jude papuntang Punto! alas-11 y media hanggang bago magtanghali,
tumigil ako sa kabibilang ng mga traysikel sa MacArthur Highway nang abutin ko
ang 65.
Muli, ilang traysikel,
kabilang na ang mga kolong-kolong, ang bumabaybay dito sa loob ng isang araw?
Muli, sa multang P500,
kabuuang P32,500 na ang makokolekta mula sa 65 pasaway na ito.
Sa flat rate na P32,500
bawat araw, ito ay aabot na sa tumataginting na P975,000 sa isang buwan, sa
dumadagundong na P11,700,000 sa isang taon!
Aba’y kayang-kaya na
nitong pondohan ang departamento ng trapiko ng lungsod San Fernando.
Hindi ko sinasabing habang
panahon na lamang ay magiging ganito kalaki ang koleksyon sa pagpapatupad ng
mga nasabing batas-trapiko. Tiyak namang sa pagpapatupad – sa mahigpit at
walang kinikilingang pagpapatupad – sa mga ito ay matuturuan na ng matinding
aral ang mga pasaway at mababawasan na, kundi man ganap na mawawala, ang mga
ito.
Ang sa akin ay ipatupad
ang anumang kalakaran o kautusang isinabatas. Isang kabalintunaan, isang
karuwagan, isang kaistupiduhan sa panig ng tagapagpatupad kung ang pagpapairal
sa batas ay nagsisimula at natatapos sa pagpaskel nito.
Palasak nang kasabihan na
“Masarap ang bawal.” Higit ang kasarapan ng anumang bawal kung walang anumang
kaakibat itong kaparusahan.
Sa ganitong pananaw, isa
lang ang kasagutan: Gawing mahal ang bawal. Patawan ito ng mabigat na
kaparusahan.
Ang katanungan: Kaya bang tumindig
mula sa likas na kahinaan sa pagpapatupad sa ganitong mga batas ang pamahalaang
lungsod?
O, abot man lang kaya ito
ng kanilang kaisipan?
No comments:
Post a Comment