Tuesday, September 19, 2023

Oca: Isang Istorya ng Pakikibaka


PINAGKAITAN SIYA ng kapalaran na maging martir ng armadong paghihimagsik upang kaipala’y biyayaan ng kasaysayan ng takdang papel na gagampanan sa patuloy na pakikibaka tungo sa ganap na kalayaan at pambansang demokrasya.

Pakikibaka – ito ang buod ng kasaysayan ni Oscar Samson Rodriguez.

Pakikibaka – ito ang mismong ubod ng kanyang buhay.
Buhay na wari’y sadyang pinilas mula sa pambungad na bersikulo sa unang kapitulo ng mapagpalayang ebanghelyo nina Karl Marx at Friedrich Engels – ang Communist Manifesto -- “Ang kasaysayan ng lahat ng naitayong lipunan ay kasaysayan ng pakikibaka – pakikibaka sa pagitan ng mga naghahari at pinaghahariang uri…” 

Pakikibaka. Uring anak-pawis na ang kamusmusan ay tigib sa hagkis ng karalitaan, sa hagupit ng kalakarang piyudal, sa giyagis ng paghihimagsik.

Pakikibaka. Kayod sa araw, aral sa gabi. Sa limang kahig, iisang tuka. Kalam ng sikmura’y hindi na ininda. Sipag, sikap, tiyaga, tiis, tikis – pinuhunang pawis, luha’t dugo makatapos lamang sa pag-aaral. 

Pakikibaka. Alab ng damdamin, puyos ng dibdib sumiklab, nagngalit mula paaralan tungo sa lansangan. Nagningas, lumiyab sa digmang bayan. Ka Jasmin isinilang, sa rebolusiyonaryong kilusan pumailanlang. Bartolina ang sinadlakan. Sa pusikit na kadiliman, isang dipang langit ang tanging tanglaw. Rehas na bakal na pampiit, paninindigang makabayan pinaalab pa nang higit.

Pakikibaka. Sandigan ng katotohanan, saligan ng mga karapatan, tanggulan ng bayan. Kampeon ng mga inaapi’t pinagkakaitan ng katarungan.

EDSA Uno. Bagong pulitika – paglingkuran ang sambayanan binuhay, pinairal sa Kapitolyo, sa bawat takbo sa Kongreso.

EDSA Dos. Atas ng kabayanihan muling tinupdan ng magiting na prosecutor ng bayan.

Pakikibaka. May hihigit pa kaya sa dusa’t pighati dala ng delubyo ng Bulkang Pinatubo? Sa gitna ng kawalang pag-asa, sa harap ng panawagan ng mga eksperto kuno, kasama na ang noo’y senador na Kapampangan daw, na hayaan na ang kalikasan at lisanin na ang lalawigan, matatag siyang nanindigan na ipaglaban ang lahing Kapampangan at hindi ito pababayaang mabura na lamang.

Pakikibaka. Patuloy na pakikibaka. Mula sa kanyang kabataan hanggang ngayon na ang timon ng pamahalaang lokal ay kanya nang tangan. Tangan tungo sa kadakilaan. 

Ang istorya ni Oscar Rodriguez ay kaganapan ng pagsanib ng isang indibiduwal na buhay sa takbo ng kasaysayan. Na siyang piling pagkakataon ng kabayanihan.

“Ang mga bayani ay may kaukulang panahon, kung paaanong ang kapanahunan at mga pangyayaring umiiral ay lumilikha ng mga bayaning kailangan nila.” Ana ngang isang makabayang makata sa kanyang pagpapakahulugan sa konsepto ng “bayani ng kasaysayan.” 

Ang istorya ni Oscar Rodriguez kung gayon ay marapat lamang na maisulat. Hindi para sa kaluwalhatian ng kanyang pangalan. Kundi sa mga aral na dulot nito – ang sidhi ng pangangailangan sa pakikibaka sa pagbabago ng lipunang Pilipino. At ang aral ng kasaysayan mismo: “Ang kahapon ay saligan ng ngayon, ang ngayon ay haligi ng bukas.” 

(Bilang paggunita sa ika-51 guning-taon ng deklarayson ng Batas Militar, handog ko kay Kagalang-galang Oscar S. Rodriguez, nagsilbing kinatawan ng ika-3 Distrito ng Pampanga at punonglungsod ng San Fernando sa maraming taon, ang paglimbag ng talumpati na aking binigkas noong Setyembre 19, 2006, araw ng kanyang kapanganakan, kung kailan aming inilunsad ang aklat na pinalad kong naisulat – Oca: Isang Istorya ng Pakikibaka, ang salin sa Tagalog ng orihinal ko ring inakda – About Oca: A Story of Struggle.)

 

No comments:

Post a Comment