Saturday, April 29, 2023

SFELAPCO: Consuelo de bobo!

Para sa inyo, mga kabalen!

May installment payment options na hanggang apat na buwan para sa inyong April, May, at June 2023 electric bills.

Magtungo lamang sa aming opisina para sa karagdagdang impormasyon.

ITO ANG inanunsiyo ng SFELAPCO sa kanilang Facebook page nitong Abril 28. Isang hakbangin na gawing magaan ang pagbayad natin ng ating electric bills. O, apat na buwang palugit na ang bigay sa atin, saan ka pa?

Nauna dito ang panawagan naman ng SFELAPCO – sa kanilang Facebook page din at sa mga ipinadalang press releases sa media – para sa mga marginalized users (yaong kulang sa kapasidad na magbayad ng kanilang electric consumption) na mag-avail ng lifeline rates para sa discount o subsidy sa kanilang bayarin, alinsunod sa itinatadhana ng Republic Act 11552 (An Act Extending and Enhancing the Implementation of the Lifeline Rate…).

Pagmamagandang-loob at pagmamalasakit sa kapakanan ng kanilang mga consumers, ito baga ang mabuting adhika ng SFELAPCO sa mga nasabing pahayag.

Cuidao ka, Fernandino, ang mga ito ay pa-consuelo de bobo lamang ng SFELAPCO. Malas lang ng SFELAPCO, hindi tayo bobo.

Ang tunay at tanging layon nila ay ilihis ang kaisipan natin sa mga kabulastugan at kalabisan ng kumpanya na nagpahirap – at nagpapahirap pa rin – sa atin sa mahabang panahon at naungkat lamang matapos idulog ni Mayor Vilma Balle-Caluag ang ating mga karaingan sa Energy Regulatory Commission.

Sa paglihis ng ating mga kaisipan sa tunay na isyu, maaaring maibsan ang nagpupuyos na damdamin ng madlang Fernandino laban sa SFELAPCO. At tanggapin na lang natin na kanila pa rin ang huling baraha.

Ang sukatan ng katapatan ng SFELAPCO sa pagmamalasakit at pagtulong sa kanilang mga consumers ay wala sa utay-utay na paraan ng pagbayad sa ating mga electric bills. Maihahantulad ito sa reprieve na ibinibigay sa nasa death row, ng pagpapalawig pa ng ilang panahon sa mundo pero bitay pa rin ang katapusan.

Unang-una, hindi makatuwiran o makatarungan ang sinisingil sa atin ng SFELAPCO. At kailan pa man ay hindi ito maitutuwid ng pagbabayad ng hulugan. Sa gawing ito, walang pinag-iba ang SFELAPCO sa Bumbay na naniningil ng hulugan sa 5-6 na pinautang.

O, mabuti pa nga ang Bumbay dahil sa may pinapalabas na pera sa pagpapautang. Ang SFELAPCO puro kabig lamang: tayo ay kaniyang iginigisa sa sarili nating mantika.

Sa kanila na rin lang nanggaling, ibalik natin sa SFELAPCO ang pamamamaraang hulugan sa pagbayad ng utang. Higit na akma ito sa “P654,397,381.00 unauthorized charges” na siningil sa atin mula January 2013 hanggang December 2022 at pinapa-refund o pinababalik sa mga consumers sa utos na rin ng ERC.

Maiaakma rin ang hulugang bayaran sa P21.6 million penalty na ipinataw ng ERC sa SFELAPCO sa mga paglabag nito sa sa mga alituntunin kaugnay ng “invalid charges including [Aboitiz Power Renewables Inc.] line rental charges, site-specific loss adjustment, wholesale electricity spot market (WESM) net settlement surplus, and WESM charges.”

Ibalik sa consumer ang P654 million. Bayaran ang P21 million penalty sa ERC. Ito ang marapat na utay-utayin ng SFELAPCO, sakali mang wala itong kapasidad sa ngayon na bayaran ito ng buo.    

Muli, hindi bobo ang Fernandino, SFELAPCO. Hindi ito magpapaloloko sa anumang pakulo, lalo't palsipikadong pakunsuwelo lang ito.

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment