Sunday, May 3, 2020

Isilya mo


A chair is still a chair,
even when there’s no one sitting there. Anang isang awit.
Nguni’t nitong panahon ng Covid, ang silya’y hindi na lamang pansalo ng puwit.  
Di mawari, di rin malirip, buhay ngayo’y tila sa silya nakakapit.
Pagsusumamo ng limos at malasakit, sampung kilong bigas di na ipinagkait.
Kahoy man o plastic, walang lamangan, pantay-pantay – pati kulay, ang dito’y nakalagay.
 
Datapuwa’t, subalit, bakit? Ibang silya’s doble supot ang naihatid.  
 
Dili naman, may manok pang paningit.
Pasalamat ka nga’t ika’y nabigyan, gaano man kalayo iyong kinalalagyan –
 Samantalang ang iba’y hanggang hintay na lamang.
 
Kahit kawalan ay pinasasalamatan.
 Sumunod ka na lang? Hinagpis ng hapis ni minsa’y di nakakuha --
 
Habang ang iba ay nakakadalawa na.

Katarungan nasaan? Sansalop ma’y tayo’y di nabahaginan. Mayroon pa nga diyan, tig-iisang kaban. Hatid pa ng militar kahit kulay dilawan.
O di kaya’y handog ni kinatawang mahal – pangala’y pinalaki nang sa halala’y di makalimutan.
 
Sa silya ng buhay, may malas, may buwenas. Subali’t pagdating ng bigas ay tiyak. Di dapat manimdim, bagkus paka-alalahanin: Isilya mo ang iyong daing, ito ay diringgin.
 Maagap ka lamang at siguraduhin di ka maunahan ng asong patpatin.  

(mga laarawan  ay pinulot sa facebook at hindi inaangkin nitong sumulat)

No comments:

Post a Comment