Tuesday, March 10, 2020

Aregluhan sa Paskuhan


Ibinibigay ko ang espasyong ito mula sa hinalaw na privilege speech ni 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. noong Peb. 24, 2020 tungkol sa isang napakabigat na isyu na sa aking pagtaya ay hindi nabigyan ng kaukulang pagpapahalaga sa media)
 …NOONG NAKARAANG taon, napag-alaman ko po na mayroon ding namumuong usapan sa pagitan ng pamunuan ng Lungsod ng San Fernando, Pampanga at mga representante ng PCI [Premier Central Inc.], patungkol sa aregluhan ng nasabing kaso.
Napag-alaman ko rin po na sumulat sa OSG [Office of the Solicitor General] ang Panglunsod na Pamahalaan ng San Fernando at binanggit doon na hindi daw po ako kumokontra sa anumang usapan para magka-aregluhan ang lungsod at PCI.
…sobra po akong nabagabag at nabahala. Hindi po totoo na pumayag ako sa anumang aregluhan patungkol sa Paskuhan Village!
Dahil dito, sumulat ako sa OSG at sa korte para liwanagin na wala akong sinang-ayunan na kahit anong aregluhan at bentahan patungkol sa Paskuhan Village.
…naniniwala akong labag sa batas ang bentahan ng Paskuhan Village, kaya hindi ako pwedeng sumang-ayon sa anumang bentahan o aregluhan patungkol dito.
Nito pong Jan. 14, 2020, nakatanggap muli ako ng sulat mula sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga…tuloy na tuloy na ang aregluhan ng kaso sa pagitan ng lungsod at PCI.
Nakakadismaya…
Nitong Jan. 16, 2020, bilang isang miyembro ng Kamara at representante ng ika-3 distrito ng Pampanga…naghain ako ng Urgent Motion for Leave to Intervene na pinadidinig ko sa Jan. 20, 2020. Kasabay nito ang nakatakdang hearing ng korte para sa Compromise Agreement at Joint Motion to Approve Compromise.
Pero noong Jan. 20, 2020, wala po ni isa sa mga mosyon ang dininig ng judge ng San Fernando Pampanga RTC Branch 42.
At hindi lang po iyon…Laking gulat ko po nang malaman ko na may hatol na pala ang judge noong Jan. 15, 2020!
Hindi po ako abogado, pero parang may mali sa proseso!
…Nagtataka nga po ako, paanong nakapaglabas ng desisyon ang judge noong Jan. 15, kung may nakatakda pa palang mga hearing noong Jan. 20?
Nalaman ko rin po na naaprubahan na pala ng judge ang compromise agreement sa pagitan ng OSG, Pamahalaan ng Lungsod ng San Fernando, Pampanga, TIEZA at PCI sa nasabing araw.
Aba‘y nauna pa po ang judgement kaysa sa hearing!
…Kung iligal ang bentahan ng Paskuhan Village gaya ng sabi ng OSG, bakit magkaka-aregluhan ang mga partido sa kaso?
Paanong mangyayari iyon kung bawal aregluhin ang anumang paglabag sa batas?
Bakit sumang-ayon ang OSG sa aregluhan ng Lungsod ng San Fernando at PCI, samantalang abogado lang sya ng gobyerno at hindi talaga partido sa kaso?
Kung ang Kamara mismo ang nagpa-sampa ng kaso para ipawalang bisa ang bentahan ng Paskuhan Village, hindi ba ang Kapulungan ring ito ang dapat na sumang-ayon sa anumang usapan patungkol sa nasabing kaso?
Sabi sa aregluhan, magdo-donate ng 5,000 sqm ang PCI sa Pamahalaan ng Lungsod mula sa kabuuang sukat na 9.31 hektarya.
…Sa tingin nyo po ba maganda ang inaalok na donasyon para sa Lungsod ng San Fernando?
Tingnan po natin muli yung mga sukat ng lupain…Makikita niyo naman kung gaano kaliit ang inaalok ng PCI sa aregluhan. Kayo na po ang humusga.
At isa pa pong malaking tanong: Bakit ang Lungsod ng San Fernando ang kinausap ng PCI sa bagay na ito? Hindi po ba dapat ang national government at ang Kapulungan na ito ang dapat kausapin ng PCI?
Eto pa po ang isang depekto sa desisyon ng judge. Masdan po natin muli itong Acknowledgement ng Compromise Agreement.
…Puro blangko po! Wala pong nabanggit na kahit isa man lang ID ng mga nanumpa daw po sa harap ng notaryo publiko! Sa palagay nyo po, tama po ba ang pag-notaryo na wala namang naipakitang mga ID sa notaryo publiko? Hindi po ba kapag walang nakalistang mga ID, ibig sabihin walang nagpakita sa notaryo publiko?
Isa pa pong nakapagtataka dito, ang representante ng PCI ay nasa Pasay. Nasa Pasay din po ang representante ng TIEZA. Nasa Pampanga ang representante ng Lungsod ng San Fernando. Nasa Makati naman po ang OSG. Lahat po ba sila sabay-sabay na humarap sa notaryo publiko? Duda po ako dyan…
Nabastusan po ako para sa ating institusyon nung nalaman ko kung anong nangyari sa kaso ng Paskuhan Village. Pakiramdam ko po, hindi na ginalang ang Kamarang ito.
Isipin nyo, miyembro po ako ng Kamara at isang deputy speaker. At gusto ko lang pong ipunto, ang pinag-ugatan ng kasong ito ay ang imbestigasyon na ginawa ng ating Kapulungan! Pero sa kabila po ng lahat ng ito, binalewala po ang ating mosyon sa korte!
Ang masakit pa nito ay ganoon lang kadaling inareglo ang kaso at nawala sa ating mga Pilipino ang Paskuhan Village! Tama po ba na sadyang isinantabi ang Kapulungang ito, na para bang ayaw tayong kilalanin ng korte?
Tama rin po ba na dinadaan sa aregluhan ang lupang pag-aari ng gobyerno?
Dahil dito, ako ay nagsumite ng Omnibus Motion natin, para ma-rekonsidera ang nasabing hatol ng korte. Pina-schedule ko sa korte na dinggin ang ating mosyon sa Feb. 7, 2020.
Sa kasamaang palad, hindi na naman po dininig ng judge ang ating mosyon.
Sa katunayan nga po, ang pinarating na mensahe ng Clerk of Court ay ayaw dinggin ng judge ang ating mosyon, at hindi na raw nya aaksyunan ito dahil pinal na daw po ang desisyon nya.
Sobra na po ang pagbalewala ng judge sa kasong ito. Ito po ay isang malaking insulto sa ating minamahal na institusyon! Isinumite ko po ang ating mosyon para igiit ang kapangyarihan ng Kongreso…
Wala po akong gustong kalabanin patungkol sa isyu na ito. Isa lang po ang aking layunin…Ang maibalik ang Paskuhan Village sa ating pamahalaan, para maipamana po ito sa susunod na henerasyon ng Pilipino!
Hangad ko po ang muling pagkabuhay ng Paskuhan Village, at nang muli nating maipakita at maipagmalaki sa buong mundo ang naiibang tradisyon ng pagdiriwang ng kapaskuhan…
I therefore move, Mr. Speaker, for this august chamber to direct the Justice Committee to conduct an investigation, in aid of legislation, as to:
The circumstances that surrounded the Paskuhan Village case before the RTC Branch 42 of San Fernando, Pampanga; how the said court resolved the case; and
why the court’s ruling on the Paskuhan Village resulted to the disadvantage of the Filipino people...

No comments:

Post a Comment