NAGLIPANA NGAYON sa
internet ang tinatawag na “Jollifeels” o serye ng mga patalastas na tanging
itinakda para sa Araw ng mga Puso.
Dahil sa ang tema ng serye
ay ang kawagasan ng pag-ibig, sa kabila ng di pagkakatuluyan sa harap ng altar,
o sa maagang pagkuha ni kamatayan sa kasing-irog, sari-saring bansag ang
ipinangalanan dito, tulad ng Bida ang
Sawi, Biyak Puso, Laglag Luha, atbpa.
Ako mismo ay hindi
nakapagpigil sa pagtulo ng aking luha sa Almusal
at Date.
Subali’t gaano man katindi
ang tama sa puso at timo sa damdamin ng Jollifeels, wala pa rin sila sa kuwento
ng isang katoto sa pinagpatnugutang lathalain sa kolehiyo noong dekada ’70, ang
Regina ng noo’y Assumption College sa
noo’y bayan ng San Fernando.
Inirog, dinakila’t sinamba
ng aming makata ang isa sa aming mga manunulat ng balita. Subali’t kung gaano
kadaling magtahi-tahi ng binukayong berso’t ugoy ng rima, gayun naman kahirap
nitong isabibig ang nagpupuyos na pagmamahal, ang alab ng pag-ibig sa kanyang
sinisinta.
Tila baga’y sapat na’ng
siya’y mabanaagan man lamang ng sulyap, at langit na mismo ang kanyang
narating. Kaya hayun, ang pahaging hangin ay sa kawalan din nauwi.
Ang mga landas ay tuluyan
nang nagkahiwalayan sa pagtatapos ng pag-aaral.
Apatnapu’t-dalawang taon
eksakto ang lumipas nang muling magkatagpo-tagpo ang aming mga landas sa
pagbabalikbayan ng pinakamamahal naming ina sa Regina, ang ngayo’y Ginang June V. Whitmer.
At sa ating makata, ang
muling pananariwa ng naunsyaming pagmamahal na kinipkip sa kanyang puso sa loob
ng apat na dekada; ang larawan ng inirog at sininta hanggang ngayo’y laman pa
rin ng kanyang pitaka.
Ito ang kanyang hugot sa
kanilang muling pagkikita nitong ika-8 ng Pebrero:
Isang araw na
damdamin
Tibok ng puso ko, ay di magkamayaw
Ang pangungulila, tuluyang naparam
Nawalay na hirang, muling magtitipan
Kaba ay nadama, gayon-gayun na lang.
Tanong sa sarili, hitsura'y ano na?
Di pa nagbabago, ang dating ganda n'ya?
Ang para sa akin, di na mahalaga
Ang magkita kami, akin nang ligaya.
Bawal mang isipin, asawa'y mayron na
Ang aming tadhana, di sa isa’t-isa
Naputol na lubid, bubuklurin pa ba?
Maaaring 'sang araw, maging alaala.
Habang pumapasok, ay lalong ninerbyos
Nandyan na kaya, ang irog kong si B...ts
Aking naririnig, halakhak sa loob
Pamilyar na boses, sa 'ki’y nagpakabog.
Subali't naglaho, nang aking makita
Kanya ay kaakbay, mahal na asawa
Di ko na pinansin, nabaling sa iba
Kirot sa puso ko, para lang mawala.
Lihim na pagsulyap, ang aking ginawad
Ni harapin siya’y, di ko na hinangad
Ba't pa isinama, ang kanyang kabiyak
Di man malapitan, di man makausap.
Kusa s’yang lumapit, ako'y kinausap
Ang pag-aalangan, di pa rin mabawas
Gusto mang magtanong, ay di naganap
May pader sa gitna, gusto kong mabuwag.
Ang mga pasaring, sa aming dalawa
Sa aking kalooban, ay nagpapasaya
Dating kalungkutan, ang palit ay tuwa
At sa bandang huli, ay pansamantala.
Matuling lumipas, ang mga minuto
Ang pamamaalam, ng bawat katoto
Minsan pa'y nadama, ang pagkasiphayo
Aking ginigiliw, kailan magtatagpo?
Nang s'yay nagpaalam, di ko na tiningnan
Baka mabakas n'ya, aking kalungkutan
Palad n'yay yumapos, sa 'king mga kamay
Pumawi sa hapis, sa kanyang paglisan.
Kailan magkikita, 'yan di ko pa alam
Di ko pa rin alam, ang mararamdaman
Kung gaya ng dati, sana'y huwag na lang
Salang ituturing, sa asawang mahal.
Ah, sa lalim ng hugot ng
aking kaibigan, aking nasambit lang: Sa wagas na pagmamahal, walang sala,
walang bawal. Gan’un pa man, di ko napigil “mag-poesyang” Kapampangan:
Apat nang decada
Mepuput a sinta
Misapuac, misalbag,
Meualang alaga.
Taram ning nasa man
Qng berso ning poeta
Culang yang pamutut
Qng bucnul ning lugud
Tali cang ‘urelia
- Ning mal nang asawa.
Mepuput a sinta
Misapuac, misalbag,
Meualang alaga.
Taram ning nasa man
Qng berso ning poeta
Culang yang pamutut
Qng bucnul ning lugud
Tali cang ‘urelia
- Ning mal nang asawa.
No comments:
Post a Comment