ALIN DITO ang totoo? Alin
ang kathang-isip lamang?
Ito ang katanungang palagiang
iniuugnay sa anumang kathang kasaysayan, true-to-life story, o historical
fiction.
Karamiha’y totoong mga
kaganapan, may iilang kinatha atas ng poetic license para sa dramatic effect.
Ito naman ang karaniwang
kaakibat na kasagutan.
Sa pelikulang Heneral Luna, alin ang alin?
Sa ganang akin, naging
matapat ang pagkakalarawan sa heneral na ang tanging pagkakakilala na aking
pinanghahawakan ay mula sa araling-pangkasaysayan sa mataas na paaralan at sa
pamantasan, pati na rin sa iba pang mga aklat na aking nabasa tungkol sa
himagsikan. Na liban sa pagiging nakababatang kapatid ng dakilang pintor na si
Juan, si Antonio Luna ay isang duktor, mahusay na eskrimador, muntik pang
maka-duelo ni Dr. Jose Rizal, likas na mainitin ang ulo, dakilang mangingibig.
Natatanging heneral – ayon na rin sa mga nakalabang Amerikano – bunsod ng
kanyang pagiging henyo sa larangan ng pakikidigma. Higit sa lahat, wagas ang
pag-ibig sa tinubuang-bayan. Ang lahat ng yaon ay nabigyan ng akmang
pagpapahalaga sa pelikula.
Datapwa’t, hindi ito isang
movie review. Wala akong anumang pagkukunwari o ambisyon, lalo’t higit munting
kaalaman man lamang, na maging isang manunuri sa pelikula. Ito ay isang
paghahayag ng mga damdamin at kaisipang pinukaw sa akin ng Heneral Luna.
Una, ang muling pagnaknak
ng di-maghilom na sugat ng kasaysayan sa “tunay” na katotohanan tungkol sa
pagpatay – o pagkatay, gaya ng naisalarawan sa sine – kay Luna. Isama na rin
dito ang kasing-lagim na sinapit ni Gat. Andres Bonifacio, na binigyan din ng
flashback sa pelikula. Dalawang magkahiwalay at magka-ibang mga kaganapan na
iisa ang pinag-usbungan – inggitan, magkakasalungat na interes, kataksilan, power
struggle, internal conflict, o yaong matatawag ding “revolution in a
revolution.” Na iisa ang pinanggalingang kautusan – si Emilio Aguinaldo,
pangulo ng Pilipinas.
Burahin ang mukha ni
Aguinaldo sa limang piso! Sigaw na nagmuntik-muntikang umaligwa sa lalamunang
sinasakal ng magkahalong galit at dalamhati sa trahedya ni Bonifacio’t
Luna.
Panahon na – kahit man
lamang para sa kasalukuyan at sa susunod pang saling-lahi – upang itama’t
ituwid ang pagkabusabos ng kasaysayan mula sa kamay ng mga bumitay sa tunay na
mga bayani ng bayan.
Pangalawa, pinaglaro ang
aking diwa ng tauhang si Isabel, ang love interest ni Luna sa pelikula. Sino sa
kasaysayan si Isabel?
Dalawang babae mula dito
sa ating rehiyon ang nagkaroon ng kaugnayan sa buhay ni Luna.
Una, si Nicolasa Dayrit ng
San Fernando, ang nag-aruga sa mga sugatan at may-sakit na mga rebolusyunaryo
sa digmaang Pilipino-Amerikano, at nanguna sa mga kababaihang namagitan sa
alitan nina Luna at Heneral Tomas Mascardo.
Ito ay akmang naisalarawan
sa Heneral Luna sa pamamagitan ng
tauhang si Isabel.
Pangalawa, si Ysidra
Cojuangco ng Paniqui, Tarlac, na sinasabing kasintahan ni Luna at umano’y
pinag-iwanan niya ng pondo ng himagsikan bago siya tumungong Cabanatuan kung
saan siya nga’y pinatay.
Sa isang eksena sa
pelikula, nakapaniig ni Luna si Isabel isang gabing bilog at maliwanag ang
buwan.
Si Isabel ba ay composite
character halaw kina Nicolasa at Ysidra para lamang sa dramatic effect?
Anu’t ano pa man, mayroong
mga hindi maitatatwang katotohanan ang Heneral
Luna. Ito ay ang pagsasalarawan sa katauhang Pilipino mula sa mga
pangungusap ng mga tauhan, bukod tangi ang heneral. Mga pangungusap na
sumasalamin sa nakaraan ngunit kinababanaagan ng kasalukuyan.
“Nasa ibang ulo ang utak ng
inyong kapitan…” Wari ko’y nakatuon ito sa nakaupo sa Malakanyang.
“Para kayong mga birheng
naniniwala sa pag-ibig ng isang puta…” Tumatagos ito sa lahat ng antas ng mga
Pilipino – mula sa mga sumasamba sa kapitalismo, sa mga biktima ng illegal
recruitment, sa mga panatiko sa relihiyon, lalo’t higit sa mga bobotanteng bulag
sa pandarambong ng itinataguyod na pulitiko.
“Negosyo o kalayaan? Bayan
o sarili? Pumili ka!” Una, sa una. Huli, sa huli. Ano pa nga ang pinipili?
“Wala ba tayong karapatang
mabuhay ng malaya?” Panaghoy ng mga Lumad ngayon.
“Mas madali pang
pagkasunduin ang langit at lupa kaysa dalawang Pilipino tungkol sa kahit na
anong bagay.” Kanya-kanya. Watak-watak. Kaisipang-makasarili,
kalakarang-tribo.
Ganito ba talaga ang tadhana
natin? Kalaban ang kalaban. Kalaban ang kakampi, nakakapagod.” Higit sa isang siglo, ganito na sila noon, ganito pa rin tayo
ngayon.
Ito ang Pilipino.
“Handang magtapon ng dugo
ang totoong makabayan. Hindi pagdurusa ang pagdaan sa napakatinding pasakit.
Para kang tumanggap ng basbas, parang pag-ibig.”
Ito si Heneral Luna. Ito
si Bonifacio.
No comments:
Post a Comment