Only last September, the
Central Luzon Media Association – the mother club, that is –turned 45 years
old. But it is today, right here and now, that the CLMA did indeed go full
circle. By serendipity, if not by Providence, with the mere presence here of
Director General Joe Torres.
Surprised? Please indulge
the reminiscences of this old man.
At the time of the
founding of the CLMA on Sept. 24, 1978, the president of the Republic of the
Philippines was Ferdinand Edralin Marcos. Today it is his namesake and junior,
Ferdinand Romualdez Marcos.
The CLMA was birthed at
the Department of Public Information, Region 3 office. Its first set of
officers were sworn into office thereat by Information Secretary Francisco S.
Tatad. Today, our inducting officer is PIA director general Joe Torres. In case
you did not know, the Philippine Information Agency is the descendant of the
Department of Public Information, that subsequently evolved into the Ministry
of Public Information when the government experimented with the
presidential-parliamentary system; then back to the Department of Public
Information, and then into the Office of Media Affairs, until finally becoming
the PIA after the EDSA Revolution of 1986.
Since Kit Tatad, no other
head of the information agency ever showed up in CLMA induction ceremonies
until today, with DG Torres.
There is the full circle.
It was my fortune to have
been there at all stages of this agency’s evolution – with the bragging right
of being the last regional director, albeit on OIC status, of the DPI and the
first of the OMA, at the age of 27.
Apatnapu’t limang taon. Tunay
na napakabilis ng takbo ng panahon, nang alinsunod sa atas ng tungkulin bilang pinuno
ng research, training and development division ng DPI, aking binalangkas ang
CLMA at bumuo sa core group sa pagkakatatag nito. Ito po ang dahilan sa
pagkakabit sa aking pangalan ng titulong “founding proponent” na siyang
iginawad sa akin ng maituturing nating ama ng CLMA, si Director Ricardo
Velasquez Serrano ng DPI-3 noon.
Samahan niyo akong
gunitain man lang dito ang mga nagsilbing haligi ng CLMA, na matagal na ring
pumalaot sa kabilang buhay: Alfredo Roxas ng Philippine News Agency at Benjamin
Gamos ng Times Journal, na noo’y naka-base sa mismong tanggapan ng DPI, kaya’t
sila na ring tumayo para sa Pampanga; mula sa Bulacan – Rod Reyes ng People’s
Journal, at magkapatid na Jess at Bert Matic, ng The Reflector – ang una’t
huling pahayagng broadsheet sa Gitnang Luzon; mula sa Bataan, Efren Molina ng
Bulletin Today; mula sa Nueva Ecija, Pacifico de Guzman ng The Monday Post,
Pete Salazar ng Dahongpalay, at Anselmo Roque ng Daily Express katuwang si
Isagani Valmonte ng Times Journal; mula sa Tarlac mag-asawang Ben at Rose Razon
ng Tarlac Star at radioman Ben Gonzales, Feliciano Pasion ng Manila Times, at
DPI coordinator Luz Ducusin; mula sa Zambales ang mag-asawa ring Elpidio at
Susana Curiano ng Olongapo News.
Baka po kayo malito, ang
ikinukuwento ko po ay ang pagkatatag ng mother club – ang CLMA na una’t tanging
“regional association of working media persons” sa buong Pilipinas. Mula po sa
umbrella organization na ito umusbong ang mga provincial chapters na kabilang
na nga ang ating binibigyang pugay at piging dito ngayon.
Apatnapu’t limang taon.
Mula sa murang edad na dalawampu’t apat, ngayon ay heto ako na kung minsan ay
hindi na maala-ala ang ginawa ko makaraan ang dalawang oras lamang.
Kaya’t sinasamantala ko
ang bawat pagkakataong tulad nito na maisawalat at maibahagi sa inyong mga
nakababata ang nakaraan ng ating samahan, at least, yung sumasariwa pa rin sa
aking kaisipan. Upang kahit na manawari ay maisapuso natin at maging matamis na
ala-ala kundi man inspirasyon at gabay sa ating pagpapatuloy sa landas ng
pamahayagan.
Itinatag ang CLMA sa
kasagsagan ng hagkis ng batas militar. Hindi iilan ang nag-isip sa hanay ng mga
mamamahayag noon na ito ay pakana lamang ng estado na kontrolin ang media, lalo
na nga’t nabuo’t nilinang ang samahan sa Department of Public Information na
tinutuya bilang “propaganda arm” ni Marcos.
Sa kabutihang palad,
nagkataon na ang may timon noon ng DPI sa rehiyon, si Ric Serrano na nga, ay
may mataas na pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag – dahil siya mismo ay nanggaling
din sa hanay ng media.
Isa sa mga pangunahing
dahilan sa pagbuo ng CLMA ay ang protektahin ang karapatan sa malayang
pamamahayag – ito ay sa pamamagitan ng pagbigkis-bigkis ng mga indibidwal sa
isang samahan – in union there is strength, saad nga ng kawikaan. Ang diwa ng
ugnayan na umusbong sa mismong pagsilang ng CLMA ay ang kawikaang Tagalog:
Sakit ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan. Higit sa isang samahan lamang,
ang layon ng CLMA ay maging isang kapatiran.
Anumang hagupit sa
sinumang kapatid sa media ay tuwirang hagkis sa buong samahan. Kaya nga’t
maraming beses na naglabas ang CLMA ng mga pagkundena sa mga nasa pamahalaan –
local o national – pulis at militar, nanggipit, nanakot o nanakit sa hanay ng
media. Tulad sa paghamon ng duelo ng isang armadong punong bayan ng Pampanga
kay Jerry Lacuarta ng Bulletin Today na tanging pluma ang tangan sa kamay. O sa
armadong pananakot kay Charlie Gatdula, ang Tarlac correspondent ng Bulletin
Today, na napilitang mangibang bansa. Sa pagsalakay ng mga armadong alipores ng
mayor ng Angeles sa programang Tagamasid sa DZYA nina Sonny Lopez ng Pahayagang
Malaya, at Bong Lacson ng People’s Journal/Tonight. Sa pananakit at
panghambalos ng mga tauhan ng Philippine Air Force sa mga Pampanga media na
kumo-cover sa isang May Day protest rally sa noo’y Clark Air Base. Pati na rin
sa pagdukot at pag-torture ng mga pulis ng Olongapo-Metrodiscom kina Joy
Franklin Gonzales ng Daily Globe at Jess Malabanan ng Manila Standard dahil sa
kanilang banat sa problema ng droga sa lungsod. Naganap ang mga ito noong
dekada 80 at 90. Noong Disyembre 2021 si Jess Malabanan ay pinaslang sa Samar,
at hanggang ngayon wala pa ring katarungan ang kanyang pagkamatay.
Sa kabilang banda, naging
kasangga ng pamahalaan ang CLMA hindi lamang sa mga paglalahad ng mga
programang pangkaunlaran nito kundi sa pagsisiwalat rin sa mga kalabisan,
kakulangan, at korupsyon sa mga sangay ng gubyerno.
Binuo natin noon ang
buwanang Central Luzon Media Forum sa tanggapan ng DPI kung saan naging
pangunahing bisita natin ang mga miyembro ng Gabinete, gaya nina Blas Ople ng
Labor na hindi lang minsan kundi maraming beses nating nakadaupang-palad at
nakaututang dila, si Aber Canlas ng DPWH, Greg Cendana ng Office of Media
Affairs, Jose Leido ng Natural Resources, at maraming iba pa.
Ang kasalukuyang Labor
Secretary Benny Laguesma ay naging bahagi rin ng maraming okasyon sa CLMA
magmula noong siya ay assistant director pa lamang sa DOLE-Central Luzon.
Hindi lahat ng ugnayan ng
CLMA sa kapulisan at kasundaluhan ay mapait o may kapighatian. Sa katotohanan,
minsa’y nakipagkapit-bisig din ang CLMA, kasama ang DPI, sa Regional Command 3
ng PC-INP sa Camp Olivas, San Fernando sa pangunguna ni BG Vicente Eduardo, at
sa 5th Army Brigade sa Camp Aquino, Tarlac sa pangunguna naman ni BG
Benjamin G. Santos.
Sa ugnayang ito nabuo at
ipinatupad ang tatlong malawakang kampanya:
Anti-Pollution Campaign, kung
saan napilitang magpatayo at magpaandar ng mga pollution-abatement facilities
sa isang azucarera sa Pampanga, at dalawang pulp and paper manufacturing
company sa Bulacan at Bataan. Incidentally, the broad daylight ambush on CLMA
father Ric Serrano in Quezon City in June 1998 was related to his
anti-pollution efforts in his capacity then as regional director of the
Department of the Environment and Natural Resources. His murder, to this time,
is unsolved.
Anti-Illegal Dikes
Campaign, na nauwi sa pagbuwag at pagpapasabog ng 300 dike na sumakop sa mga
kailugan ng Bataan, Bulacan, at Pampanga na umaagos sa Manila Bay. Sanhi nito, nasama pa ang CLMA sa mga kasong
isinampa sa korte ng mga ilang may-ari ng mga pinasabog na dike. Absuwelto
naman po ang lahat ng mga kinasuhan.
Anti-Illegal Gambling Campaign,
na nag-resulta naman sa pagkakatanggal sa tungkulin ng isang humaliling regional
PC-INP commander, ilang provincial commanders, at mga hepe ng pulisya sa ilang bayan
at lungsod.
Gaya ng anumang samahan,
hindi rin nawala ang sigalot, bangayan, awayan sa CLMA. Sa katunayan nagkaroon
pa nga ng mga suntukan sa isang induction ceremonies sa San Fernando, at sa
isang eleksyon ng mga officers sa Olongapo.
Subali’t, sa bawat
hidwaan, nanaig pa rin ang higpit ng kapatiran. Buhay pong saksi nito ang
kasalukuyang president ng CLMA mother club, si Ginoong Vic Vizcocho ng
Olongapo-Zambales.
Sa aking pananaw, walang
anumang balakid na hindi natin malalagpasan, walang di-pagkakaunawaan ang hindi
natin malunasan basta matibay ang ating bigkisan, habang sandigan natin ang
katotohanan.
Sa tibay at tatag ng anumang
samahan, ang bawat isa, may posisyon mang hinahawakan o karaniwang kasapi
lamang, ay pantay ang karapatan, malaya sa paghayag ng saloobin, walang kimkim
na anumang agenda liban sa kapakanan ng samahan at bawa’t kasama dito.
Sa haba ng aking karanasan
sa mga samahan sa media, aking nakita ang pinakamagagandang pagsasama-sama,
pati na rin ang pinakasukdulan sa kasamaan. Isang hindi malilimutang aral mula
sa mga taon ko sa seminary ang kawikaang: Mabuti ang pakikisama, huwag lamang
maging pakiki-SAMA – the collective evils of pretensions to elitism, bloviated
feeling of self-importance, sense of entitlement, mixed with the mentality of
the mindless mob. This becomes even more toxic if it obtains in a press club,
as it makes the total negation of the Journalism Code of Ethics.
Sa mga nanunungkulan,
higit ang tawag ng transparency at accountability. Dahil na nga ipinagkaloob sa
kanila ang pamumuno sa samahan. Subali’t ang sovereignty, ay nanatili sa
general assembly. Kaya’t anumang pasiya ng mga namumuno ay kinakailangan pa ring
isangguni sa nakararami.
Ito ang mga kaisipang
umiral sa akin sa pagbalangkas ng CLMA. Ito ang aking idinadalangin na maging
pamantayan, maging kalakarang iiral pa rin sa ating kapatiran tungo sa mga
susunod pang mga henerasyon. Tungo sa pagtaas pa ng antas ng pamahayagan sa
ating pamayanan.
Sa pagsandig sa
katotohanan at katapatan sa tungkulin bilang malayang mamamahayag, ito ang
saligan hindi lamang ng aking matibay na paniniwala kundi ng aking buong pananampalataya
sa Central Luzon Media Association, the premier press club.
Mabuhay ang CLMA. Luid ya
ing Kapampangan. Dacal pung salamat.
(Talumpating binigkas sa panunumpa sa tungkulin ng bagong pamunuan ng Central Luzon Media Association-Pampanga Chapter na ginanap sa Hilltop, Filinvest Mimosa + Leisure City, Clark Freeport, 6 Nobyembre 2023)