ISANG MADUGONG pakikibaka tungo sa pagbagsak ng
naghaharing uri. Ito ang klasikong bigay-kahulugan sa katagang rebolusyon o
himagsikan.
Kahulugan na umusbong mula sa pagkalas sa Inang Inglatera ng 13
nagkaisang kolonya ng Amerika noong 1776, at sa pag-aklas sa Pransiya laban kay
Louis XVI noong 1789.
Naging modelo rin ng klasikong kahulugan ang himagsikang Sobyet ni Lenin
noong 1917, ang digmaang sibil sa Tsina noong dekada ’40- ‘50 na pinagwagian ni
Mao, at ang tagumpay ni Castro at Guevara sa Cuba noong 1959.
Hindi natatapos ang himagsikan sa pagbagsak ng naghaharing uri. Sa
kaisipang Marxista-Leninista-Maoista, nakaukit ang pangangailangan ng isang
patuloy na himagsikan, kaipala’y upang harangin ang likas na pagnanasa ng mga
ibinagsak na makabalik muli sa poder at sa rurok ng pamamahala sa estado. Sa
wikang Ingles: the need for a continuing revolution to block counter-revolution
by the reactionary forces, both foreign and home-grown.
Ang reaksyonaryong puwersa ang pinakamasidhing kalaban ng himagsikan.
Ito ang sagabal na bibigo, sisilat o kikitil sa kaganapan ng tagumpay ng
himagsikan: ang pagtaas ng antas ng pamumuhay ng masa.
Na matutupad lamang kung ang liderato ng pamahalaan ay manggagaling
mismo sa kanilang hanay.
Suriin natin ang ilang aspeto ng kasaysayan.
Hindi natapos ang himagsikan sa Amerika nang isuko kay Washington ni
Cornwallis ang lahat ng puwersang Ingles sa Yorktown, Virginia noong 1781
gayong ganap nang naglaho ang tangan ni George III sa 13 nagkaisang estado.
Bagama’t itinadhana ng Declaration of Independence ng mga
estadong ito na ang lahat ng tao ay nilalang ng Diyos na pantay-pantay, hindi
kasali dito ang may 650,000 aliping Itim, 250,000 aliping bayad-utang, at
300,000 katutubong Amerikano o Indian na noo’y naninirahan sa mga kolonya.
Pati na ang mga kababaihan ay hindi sakop ng pahayag ng kasarinlan.
Kinailangan pa ang Emancipation Proclamation ni Lincoln at ang
digmaang sibil noong 1861-1864 o kulang-kulang 100 taon mula Himagsikang 1776 upang
mapalaya ang mga Itim sa pagka-alipin.
Kinailangan pa ang martsa ni Martin Luther King at ang kanyang
talumpating I Have a Dream sa Washington, D.C. noong 1963 o 100 taon na
naman mula kay Lincoln upang maging ganap ang pagsasa-batas ng kalayaan ng mga
Itim at maging kapantay ng mga Puti sa mga karapatan.
Ang kada-100 taon na mga kaganapan na yaon ang maituturing na milestones
in the continuing revolution sa Amerika.
(Na masasabing nagkaroon ng sukdulang kaganapan sa pagkahalal kay Obama
bilang unang Itim na pangulo ng Estados Unidos noong 2008).
Iba naman ang kinahinatnan ng himagsikan sa Pransiya.
Pinugutan ng ulo si Louis XVI at kanyang reynang Marie Antoinette.
Ang mga naghahari at nagpaparing uri – monarkiya at simbahan – ay
binawian ng poder, ari-arian, pati na rin buhay.
Burgis
Sa pagkawala ng aristokratang hanay, uring burgis ang namayani, naghari
at nang-api sa masang Pranses. Ginipit ang mga unyong manggagawa, sinupil ang
karapatan ng mga maliliit at tuwirang nilapastangan ang adhikain ng himagsikan
– liberte, egalite, fraternite.
Naghari ang lagim, namayani ang sindak sa reign of terror – na kumitil
sa buhay ng daan-daang mamamayan mula sa iba’t ibang sector ng lipunan.
Sumiklab ang pagaalsa at malawakang kaguluhan na nagbigay daan sa isang
golpe militar na nagbunga sa pagbulusok ni Napoleon Bonaparte na siyang
nakapagpatahimik sa bansa at nagpanumbalik sa monarkiya sa pamamagitan ng
kanyang pagkorona sa kanyang sarili bilang emperador.
Si Lincoln at Napoleon, pati na rin sina Lenin, Mao at Castro –
magkakaiba ng pananaw, paninindigan, pamamaraan at landasin subalit lahat
sila’y tinaguriang mga bayani ng kasaysayan dahil sa kanilang kahalagahan sa
critical moment sa buhay ng kanilang bansa.
Ito ay ayon sa Kanluraning kaisipan na pinasikat ni Arnold Toynbee sa
kanyang A Study of History. Tunghayan naman natin ang sarili nating
kasaysayan.
Sa isang talata ng kanyang epikong Bayang Malaya ay ipinaloob ni
Ka Amado Hernandez ang kasaysayan ng Pilipinas: “Nagsuot ng kalmeng bigay ng
Espanya, kalmen nang lumaon ay naging kadena. At itong Amerika na bagong katoto
ang dala’y de-lata, laya ang kinuha, ininom ang bayang parang Coca-Cola.”
Isang naunsyaming rebolusyon ang Himagsikang 1896 dahil bago pa man
inagaw ng mga Amerikano ang tagumpay mula sa ating mga Pilipino, inagaw na ng
mga ilustrado na kinatawan ni Aguinaldo ang himagsikan mula sa masa na
nagpasimuno nito sa katauhan ni Bonifacio.
The Unfinished Revolution – ang palasak na pagtawag sa Himagsikang 1896
– ay nagkaroon ng kaganapan noong Setyembre 21, 1972 – ayon mismo kay Marcos, sa
pagpapantasya sa kanyang batas-militar bilang isang “rebellion of the poor”
laban sa naghaharing oligarkiya.
Wagas na kabulaanan, sa harap ng mapaniil na diktaduryang kanyang
isinakatuparan.
EDSA
Sa EDSA noong 1986 ay ipinangalandakan din na nagkaroon na ng kaganapan
ang 1896. Maliban sa pagkarambol lamang ng mga numero, ito ay isang
paglapastangan sa kasaysayan.
Ang pagkakaroon ng EDSA Dos ang malinaw na patunay na wala ngang
himagsikang nangyari noong 1986. At wala ring himagsikang naganap sa EDSA nitong
2001.
Hindi dahil sa walang dumanak na dugo.
Kundi dahil walang naganap na pagbabago. Lalo’t higit walang pagbuti sa
antas ng buhay ng mga mamamayan.
Ang naganap ay isang rigodon lamang kung saan mukha lamang ang nagkaroon
ng palitan sa liderato ng bayan.
Mula sa isang naghaharing uri, isinalin ang poder sa kanilang kauri.
Sabi nga ng aktibista noong 1986: “Kumaripas ng takbo ang lahi ni
Barabas, pumalit nama’y lipi ni Hudas.”
Ano ang nagbago?
Sa panguluhan ni Gloria Macapagal-Arroyo, nakapaligid ay sabwatang
militar-trapo. Wala ni anumang puwang sa pamamahala, dili kaya’y sa kaunti mang
biyaya, ang mga karaniwang mamamayan, pesante’t proletaryo, silang umaklas at
umalma upang mapatalsik si Estrada.
Tinungo ng rehimeng Arroyo: globalisasyon – ang bagong bihis ng
imperyalismo. At ano baga ang nahita ng mga tao sa muling paghahari ng
aristokrata’t oligarko sa panguluhan ni Benigno Simeon Aquino III?
Tama si Mao. Ang masa, ang masa lamang ang tunay na bayani. Ito ang
Asyanong paninindigan na umiiral din sa mga bansang Third World na gumigiyagis
sa tindi ng kahirapan at panunupil sa mga karapatang pantao na hagkis ng mga
papet na tigreng papel ng globalisasyon, ng mga berdugo ng kapitalismo, ng mga
enkargado ng pyudalismo.
Ang tanong: Kailan pahahalagaan ang kabayanihan ng masa at gawing
puhunan sa pambansang pamunuan tungo sa tunay na kalayaan, pagka-pantay-pantay
at ganap na kaunlaran ng bayan? Sa isa pang EDSA? Gasgas at pulpol na ang
kaisipang ito. Kailan pa tayo matututo?
Bulaang Mesiyas
Sa pangakong pagbabago, kapit-bisig at taas-kamaong binalikat ng masa
tungo sa panguluhan si Rodrigo Duterte. Hindi lamang kaganapan ng 1896 ang
ipinagdiwang sa tagumpay nito, ang ipinangalandakan ay ang mismong pagdating ng
mesiyas na tutubos sa Pilipinas!
Subali’t sa loob lamang ng unang taon ng panunungkulan ni Duterte, hindi
manunubos kundi mang-uubos ang bumulaga sa sambayanan – ang ipinagbunying
mesiyas, kaipala’y may sayad na Herodes sa walang pakundangang pagpapatay sa
mga inosente’t walang malay.
Sa kanyang mga pangakong napako, bunton ng sisi’y sa iba’t ibang tao –
mula sa pinaka-abang tsuper hanggang sa mga pinagpala sa lipunan, ang mga may
tangan ng kalakal, media, at simbahan. Sa kanyang walang katapusang kapalpakan,
hagkis ng mura’t panlalait ay sa kabi-kabilang dako – mula Amerika hanggang EU
at UN.
At upang ganap na mapagtakpan ang iwing kahinaan, imbing kawalang
kakayahan sa panunungkulan, pumapailanlang ngayon – mula sa kanyang
tsuwariwariwang lumpen na kawan – ang sigaw ng Revolutionary Government.
Muli, ito’y isang panghahablot kundi tuwirang pagnanakaw sa tinig ng
kasaysayan – “Sigaw ng Bayan: Himagsikan!”
Revolutionary Government? Sino ang patatalsikin? Sino ang
magpapatalsik?
Si Duterte ang kasalukuyang naghahari. Si Duterte ang muling maghahari.
Hindi lamang ito isang kontradiksyon. Ito ay kahangalan. Ang golpe de
estado na maniobra ni Marcos sa kanyang martial law, golpe de gulat ni Duterte
ngayon sa kanyang revolutionary government kuno.
Ay, di baga’t diyos-diyosang sinasamba nga ni Digong si Macoy?
Wala kay Duterte ang himagsikang Pilipino. Pagtibayin ang puso, kasama.
Tungo sa panibago at pina-igting na pakikibaka.
(Isinapanahong salin sa pinaglumaang yugto ng kasaysayan, hawi sa
lukut-lukot na pahina ng dyaryong dating pinagsulatan, petsang Pebrero 19,
2001.)