Thursday, September 20, 2018

Sana'y maulit muli


ANG MATAGAL nang tahimik na bulung-bulungan sa kalunsuran ay sumambulat – kahit sa social media man lamang – nitong nakaraang araw: Ibalik si Mayor Oca!
Sa tawag ng panahon sa kabisera ng lalawigan Kapampangan, ang magiting na mambabatas at premyadong World City Mayor si Oscar Samson Rodriguez ang akma at natatanging kasagutan. Ito wari ang mithiing namutawi sa internet, Setyembre 19, mismong araw ng kanyang kapanganakan.
Muli, ang pananariwa sa mga mamayan ang matatag na paninindigan, ang malinis na pamamahala, ang kaayusan at kaunlaran ng Lungsod San Fernando sa panahon ni Mayor Oca.
Mula sa ating About Oca: A Story of Struggle na isinulat noong 2005, ang buod at ubod nito, mula kay Ka Oca mismo:
Magsilbi Tamu
ARAL NG kasaysayan, at ng karanasan, na ang matapat na at makabuluhang ugnayan ng mga mamamayan at ng mga namumuno ang sandigan ng demoktratikong lipunan.
Ang mapayapa, matatag at maunlad na pamayanan ay nakasalalay sa tibay ng ugnayang yaon. Kaya’t lubos na napakahalaga ng ganap na katapatan sa isa’t isa ng mga mamamayan at mga pinunong lokal.
Higit sa mga namumuno kaysa mga mamamayan ang tawag ng katapatan, dahil na rin sa tindi at bigat ng tungkuling iniatang sa kanilang mga balikat, at saklaw ng kaakibat nitong kapangyarihan, tungo sa mithiing isang maaliwalas na pamumuhay para sa lahat.
Lubos ang aking paniniwala na sagutin hindi lamang sa bayan kundi higit sa Poong Maykapal ng isang namumuno ang anumang kahihinatnan ng pamayanang kanyang pinamumunuan. Atas ng pananampalatayang Kristiyano, o Islam man, at itinatadhana ng demokratikong tradisyon na ang masang mamamayan ay hindi sinasakupan, kundi pinaglilingkuran ng mga namumuno.
MAGSILBI TAMU, kung gayon, ay hindi isang hungkag na islogan kundi ang mismong matatag na saligan ng pananaw na makatao, panininidigang makabayan at pamamaraang maka-Diyos.
MAGSILBI TAMU – ang gumagabay sa lahat ng aking panuntunan at pagkilos bilang lingkod-bayan, sa aking panunungkulan bilang punong-lungsod.
Ang natatangi at takdang layon ng pamahalaang lungsod ay ang tapat at malinis na pamamahala. Tungo dito, bukas sa madla ang lahat ng mga tanggapan sa city hall at hayag ang lahat ng kasunudan o transaksiyon ng pamahalaang lokal sa mga mamamayan. Cuentas claras o transparency ang patakarang ipinaiiral sa lahat ng gastusin dito. Anf kaban ng bayan ay dapat na pakahalagaan – pinagbuwisan ito ng pawis at dugo ng mamamayan, at pakaingat-ingatan – lalo na ngayong taghirap ang buong bansa.
Hindi lamang likas na karapatan kundi takdang tungkulin din ng mga mamamayan ang makibahagi at maki-alam sa lahat ng gawaing pambayan, ang magpahayag ng kanilang kaisipan at damdamin ukol sa mga usaping panglungsod, ang magbunyag ng anumang katiwalian tungo sa malinis na pamamahala’t paglilingkod, at ang pakikinig at pagtugon – ng mga nanunungkulan – sa kanilang mga karaingan tungo sa ikabubuti ng kanilang pamumuhay. Tugon dito ang pagtakda ng mga pulung-pulong sa mga barangay kasama ang punong-lungsod, ang buong Sanggunian, sampu ng mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Kabalikat ang pamahalaang lungsod sa mga gawaing bayan ang pribadong sektor, partikular na ang mga mangangalakal, samahang sibiko at NGO. Bunsod nito, sila din ay may mahalagang papel sa mga pagpupunyagi ng lungsod sa larangan ng pangangalakal, pamumuhunan at turismo; sa pagpapatupad at pagpapalaganap ng kaayusan, kalinisan, kalusugan at karunungan.
Sa pagtahak natin sa landas ng kaunlaran, ating inaagapayan ang kapakanan ng kapaligiran. Ang Sagip-Ilog, ang paghihigpit sa mga planta at pagawaan na bumubuga ng usaok at nagdudumi sa mga kailugan, ang pagapapatupad sa solid waste management ay ilan lamang sa patunay nito.
Ang pinakamahalagang pamantayan ng kaunlaran ng lungsod ay hindi lamang ang kasaganaan kundi higit ang pangkalahatang kalusugan ng mga mamamayan. Atas nito ang higit panga pagpapalakas sa outreach programs at pagpapalawak sa mga health services ng lungsod.
Itinatadhanang tungkulin din ng pamahalaan ang buong-pusong pagkalinga sa mga nakatatanda. Ating pinapahalagaan, itinatangi’t pinaglilingkuran ang ating mga senior citizens. Ang yaman ng kanilang karanasan, ang karunungang kanilang naimpok ay mahalaga sa kagalingan ng bayan.
Ang hanay ng mga kababaihan ay may sariling lakas at kakayahan upang maging ganap na kabalikat sa paglilingkod-bayan. Tugon dito ang ang pagapapalakas sa programang gender advancement and development at ang matibay na pakikipag-ugnayan ng pamahalaang lungsod sa mga samahang kababaihan sa mga gawaing pangkaunlaran.
Magkakaroon lamang ng kaganapan ang pangakong binitiwan ni Gat Jose Rizal – ang kabataan ang siyang pag-asa ng bayan – sa pagbibigay sa kanila ng kaukulang pagkakataon na mapanday ang kanilang kakayahan, mahubog sila sa kagandahang-asal, at maging kabahagi ng usapin at gawaing pambayan. Hindi kailangang maging balakid ang kahirapan upang ang kabataan ay makapag-aral at makakuha ng pagsasanay na bokasyonal o teknikal.
Ang pinakamahalagang pamana ng lungsod sa susunod na salinlahi ay ang kalinangang Fernandino. Muli, kabalikat ng pamahalaang panglungsod ang pribadong sektor, ang mga pamantasan at dalubhasaan sa ating pangangalaga at pagpapalaganap sa kasaysayan, sining at kultura ng ating lipi.
MAGSILBI TAMU. Ito ang sandigan ng aking pananalig. Ito ang saligan ng aking paninindigan.          

No comments:

Post a Comment